Related News

BUWAN NG WIKA 2019

October 7, 2019

Buwan ng Wika 2019

SaTulAwit: Katutubong Wika Tungo sa Isang Bansang Filipino

Maligaya, Makabuluhan, at Matagumpay! Ito ang kabuoang paglalarawan sa naganap na pagdiriwang ng Buwan ng Wika na may temang “SaTulAwit: Katutubong Wika Tungo Sa Isang Bansang Filipino” sa Centro Escolar Las Piñas noong nakaraang Biyernes, Ika-30 ng Agosto sa CELP Gymnasium.

Binuksan ang selebrasyon sa “Parada ng Lahi” na pinangunahan ng mga mag-aaral at mga guro sa Grade School at Junior High School. Napuno ng kulay at buhay ang buong himnasyo matapos magsama-sama ang lahat suot ang kanilang mga naggagandahan at makukulay na kasuotang nagpapakilala sa iba’t ibang katutubong wika at pangkat sa Pilipinas.

Sinundan ito ng pagtatanghal ng mga mag-aaral sa Grade School sa pangunguna ni Bb. Juliana Marie Tan guro sa Filipino, na buong siglang umawit at naglapat ng sayaw sa iba’t ibang katutubong awitin gaya ng “Si Filemon” ng mga Cebuano, “Ati Cu Pung Singsing” ng mga Kapampangan, “Pamulinawen” ng mga Ilocano at iba pa.

Dinala naman sa CELP ng mga mag-aaral sa Junior High School sa pangunguna ni Bb. Anne Nicole Arguelles, guro sa Filipino ang iba’t ibang lugar sa Pilipinas kung saan talaga namang ikaw ay mapapa-hashtag “TRAVEL GOALS!” Hindi sila nagpatalo sa kanilang mga hiyaw, galaw, at sayaw bilang pagkilala at pagbibigay-buhay sa iba’t ibang pista at tradisyong tampok sa Pilipinas. Ilan sa mga ito ay ang Santacruzan ng mga Tagalog, Sinulog Festival ng mga Cebuano, Palong Festival ng mga Bicolano, Bangus Festival ng mga Pangasinense, Kuratsa Festival ng mga Waray at marami pang iba.

Hindi naman nagpahuli ang mga mag-aaral ng Senior High School na ipakita at ipamalas ang kanilang marubdob na damdamin at matapang na paninindigang ipaglaban ang karapatan ng mga kapatid nating katutubo matapos nilang bigyan ng masining at malikhaing presentasyon ang piyesa na “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino” ni Dr. Joel Costa Malabanan sa kanilang kompetisyon sa Sabayang Pagbigkas na sinabayan pa ng pagtatanghal ng mga katangi-tangi at mayayamang kultura ng ilang pangkat etniko sa Pilipinas sa pangunguna nina G. Rommel Pamaos at Bb. Danielle Soriano, mga guro sa SHS.

Ito ang Buwan ng Wika, 2019.

Nawa’y samahan ninyo kaming muli hanggang sa susunod naming paglalakbay dahil

“It’s More Fun in CELP!”

Padayon, Wikang Filipino!

Photos by: Jireh Nalaza